Saturday, August 27, 2005

(Story) NAGSIMULA SA WAKAS
by Jacques Cole


"I remember so well, the day that you came into my life.. You asked for my name, you had the most beautiful smile.. How did you know I needed someone like you in my life, that there’s an empty space in my heart, you came at the right time in my life.. I’ll never forget how you brought the sun to shine in my life and took all the worries and fears that I have.. I guess what I’m really trying to say, its not everyday that someone like you comes my way, no words can express how much I love you.."
Sa panahong ganito, kung kelan napakalakas ng ulan at halos baha na sa buong EDSA, e kailangan bang sa FM station pa nakatutok ang bus na sinasakyan ko at hindi sa balita? Mukhang retro pa yung istasyon. Kasi, si Chiqui Pineda pa ang kumakanta ng "How did you know".
Kasasakay ko pa lang ng bus pauwi ng Bulacan. Sa may Farmers Cubao na ako bumaba ng MRT. Sakto namang may aircon bus na naghihintay sa ilalim. Masama na ang panahon. Kaninang umaga, medyo maulan pa lang. Pero ngayong gabi, e malakas na talaga ang buhos ng ulan. Interview ko ngayong araw na ito sa isang kumpanyang ina-aplayan ko kaya kahit masama ang panahon, sinugod ko ang ulan. Alas-dos ang interview ko pero nasalang na ako ng 4:00. Tapos, andami pang pina-accomplish na mga forms kaya’t natagalan ako sa paglabas. Ang hirap pa sa MRT. Buti na lang, malapit lang sa MRT station ang opisina kung saan ako ininterbyu. Atleast, di na ako gaanong naglakad at nagpa-ulan.
Mula sa Ayala Station, sumakay ako ng MRT. Plano ko sanang mag-West Avenue para mag-FX pauwi pero malayo pa ang lalakarin ko kung kaya’t nung nakita ko yung aircon bus sa ilalim ng terminal sa Cubao, dali-dali na akong bumaba. E pasado alas-otso pa naman ng gabi. Baka pagdating ng SM West, wala pang FX. Mabuti ng sigurado.
Walang masyadong sakay. Sa me bandang likuran ako naupo. Sa tatluhan. Plano ko kasing matulog sa biyahe. Malalaki ang patak ng ulan at medyo mabagal ang takbo ng mga sasakyan sa EDSA dahil na rin sa baha ang kalsada. Nasa me Nepa Q-mart na yung bus ng tumugtog yung kanta. Shit naman, bulong ko sa sarili ko. Sa totoo lang, gusto ko talaga yung kantang yan. Madalas nga, wish ko na yan ang maging love song ko kung sakaling makakita ako ng "special someone". Kaso, sa tagal ko nang naghahanap, e wala pa rin talaga.
Pagdating ng Kamuning Station, kitang-kita ko mula sa bintana na andaming taong nag-aabang ng sasakyan. "Sana, wag mapuno", dasal ko. Pag marami kasing sakay, baka me makatabi pa ako at di ako masyadong makaporma para matulog. Pagdating sa me NIA, huminto ang bus at may sumakay na isang guy. Basang-basa yung lalaki. Naka-back pack siya, na siguro ginamit niyang pananggalang sa ulan kaya basa rin yung bag niya. Pati sapatos niyang black leather e kumakatas ang tubig ulan. Umupo siya dun sa tapat ng upuan ko, sa pandalawahan. Kunwari’y nakamasid ako sa labas, sa bintana sa side niya pero ang totoo e sinisipat ko rin ang itsura niya. Guwapo ang loko. Naka-t-shirt na lang siya, habang nakasabit sa balikat niya yung barong. Nung mapalingon siya sa akin, nagbawi ako ng tingin.
Mabagal na ang andar ng bus nung malapit na kami sa Quezon Avenue. Ang nakakainis, hindi nag-fly over yung bus. Sa ilalim siya dumaan. Palibhasa, walang MMDA. Siguro, nagbabakasakaling makakuha pa ng pasahero. Napansin kong nag-aayos yung lalaki sa kabilang upuan. Ipinasok na niya yung barong niya sa backpack, pagkatapos ay nilabas niya yung cellphone niya.
Biglang tumunog ang cellphone ko. Pagtingin ko, may message yung kaibigan ko, si Resty. Tinatanong kung nasaan na ako. Pagkatapos kong sagutin, ipinasok ko na uli sa bag ko ang cellphone ko. Ambagal talaga, sabi ko. Nakakainis na. Isa lamang ang sumakay sa ilalim ng flyover. Maya-maya, text uli yung friend ko, pinapaalala sa akin yung isa pang job interview na pupuntahan namin bukas. Ay, ang kulit! Paglingon ko dun sa guy sa kabilang upuan, nakatingin siya sa akin, parang nag-iisip. Medyo nag-alangan ako ng mapansing kong nakatingin siya sa cellphone ko kung kaya’t muli kong ipinasok yung cellphone ko sa bag. Siniguro ko munang nakasara yung bag ko, tsaka ako pumorma para umidlip.
Maya-maya, may narinig akong nagsalita. "Excuse me.." wari’ng sabi habang ako’y nakapikit. Di ko pinansin. Baka hindi ako. "Excuse me.." narinig kong ulit. Dumilat ako at nakita kong nakahilig yung lalaki sa kabilang upuan. Nakayuko malapit sa akin. Nagtataka akong tumingin sa kanya.
"Pasensya na boss. Nakakahiya man pero puwede ba akong maki-text? Battery empty na kasi ako. Isa lang. Kung puwede.." mahinahon niyang pagtatanong.
Di ako nakasagot agad. "Aaa.. sige.." simple kong tugon. Kinuha ko yung cellphone ko sa bag. Medyo nag-aalinlangan pa akong iabot yung phone ko sa kanya.
"Pasensya na. Isa lang, promise. Di ko itatakbo. Wag kang mag-alala", sabi niya, nahihiyang ngumiti. Di ko alam kung anong gayuma meron yung ngiting yon, pero namalikmata ako sa kaguwapuhan ng kanyang mukha. Inabot niya yung cellphone ko. Para wag siyang ma-conscious, kinuha ko yung diyaryo ko sa bag para kunwari’y nagbabasa ako. Pero siyempre, di ko pa rin tinatanggal ang tingin ko sa kanya at sa cellphone ko.
"Sorry ha, pero paano ‘to?" tanong niya. Tiningnan ko ang cellphone ko. Di niya maialis yung pagkaka-keypad lock.
"Aaa.. teka.." sabi ko sabay abot ng cellphone at pinindot. Ibinalik ko sa kanya yung cellphone.
Muli siyang tumingin sa akin. Ngumiti na parang nahihiya. "Di kasi ako marunong gumamit ng 3610 e. Nakakalito. Puwede, paki-text na lang.." sabi niya, nahihiyang nakiusap.Di ko alam kung matatawa ako o maaawa. Pinigil kong tumawa. Kinuha ko yung cellphone. "Sige.." sabi ko.
Medyo nahihirapan akong marining yung sinasabi niya. Palibhasa, may mga nagsisakayan sa me SM. Di rin naman marami. Nagulat ako ng bigla siyang tumayo, bitbit ang bag at tumabi sa akin. "Okey lang…?" sabi niya sabay muwestra na uupo siya sa tabi ko. Ngumiti ako bilang tugon.
Habang sinasabi niya yung message niya e dire-diretso ako sa pagpindot sa cellphone ko. Pagkatapos kong masulat lahat ng message, inabot ko sa kanya yung cellphone. "Okey na?" tanong ko. Tiningnan niya yung message. "Okey na pre", tugon niya. Ibinigay niya sa akin yung number. "Na-send na", sabi ko sa kanya. "Thank you ha", sabi niyang muli. Ngumiti lang ako.
Maya-maya pa, lumapit na yung kunduktor. "Saan ka?" tanong niya sa akin. "Aahh, Balagtas," bigla kong sagot. Bumaling siya sa kunduktor, sabay sabing "Dalawang Balagtas boss..". Pagkabigay ng tiket, bigla siyang naglabas ng isandaan at inabot sa kunduktor. "Hindi. Ako na.." sabi ko, sabay bunot ng pera sa bulsa ko. "Okey lang. Ako na," sabi niya sabay hawak sa kamay kong nag-aabot ng pera sa kunduktor. Anlamig ng kamay niya pero me kakaibang kiliti akong nadama sa hawak na yun.
Inabot ko sa kanya yung hawak kong pera. "Eto o.." sabi ko. Tumingin siya sa akin sabay ngiti. "Huwag na. Eto naman. Nakitext na nga ako sayo e. Yun na lang ang magagawa ko" eksplika niya. "Ang mahal naman ng isang text. Wag na.." sabi ko. "Okey lang yun. Nga pala, Joey.." sabi niya sabay lahad ng kamay palapit saakin. "Chris.." sagot ko. Kinuha ko yung kamay niya. Dun ko lamang siya napagmasdan ng maigi. Guwapo talaga. Moreno, at lalaking-lalaki ang itsura. At braso niya, ang ganda. Ang hugis. Ang balat. Di ko mapigilang humanga. Pero siyempre, di ako nagpahalata.
Mabagal na ang usad ng bus lalo na nung lumampas kami ng Muñoz. Baha raw sa Balintawak, narinig kong sinabi nung nagtitinda ng tubig. Nakatingin ako sa labas ng biglang mag-ring ang cellphone ko. Pagtingin ko, sumagot pala yung tinext kanina ni Joey. Inilapit ko sa kanya yung cell para ipakitang may message siya. Pagkatapos basahin, binura niya yung message at ibinalik sa akin yung cell. Maya-maya, muling nag-ring yung cell. Message uli para sa kanya. Muli niyang binura yung message at ibinalik sa akin yung phone.
"Ang kulit", sabi niya, nakangiti. "Syota mo?" tanong ko sabay ngiti. "Hindi. Asawa ko.." sabi niya sabay pilyong ngumiti. So, me asawa pala, sabi ko sa sarili ko. Muli akong tumingin sa labas. Maya-maya, muli siyang nagsalita, "Kapatid ko. Nangungulit kung nasan na raw ako. Matrapik daw kasi sa express e" pagsasalita niya. Muli akong napatingin sa kanya. Aba’t nag-explain pa. Ngumiti lang ako. "Ikaw, me girlfriend ka na?" muli niyang tanong. Nagulat ako sa tanong niya. Feeling close?! "Wala", simple kong tugon.
"Ikaw?" balik kong tanong.
"Wala na" simple niyang sagot. Di na ako umimik. Ayoko ng magtanong pa.

Katahimikan. Maya-maya, napansing kong nanginginig siya. "Okey ka lang?" tanong ko sa kanya. Ngumiti lang siya bilang tugon. Napansin ko ang basa niyang damit, pati na yung medyas niya na ngayon e nakapatong na lang sa kanyang sapatos. "Alisin mo kaya yang medyas mo. Basa e." suhestiyon ko sa kanya. Nahihiya man, sinimulan niyang alisin yung medyas niya. Pagkahubad niya ng medyas, nahihiya siyang tumingin sa akin. "Pasensya na ha.." sabi niya.
"Okey lang. Di naman mabaho e." sabi ko. Nakangiti. Kinuha niya yung barong niya sa loob ng bag niya at yun ang ginamit para punasan yung kanyang paa. Ipinatong na lang niya yung paa niya sa ibabaw ng kanyang sapatos. Inalis ko rin yung sapatos ko, sabay angat ng paa ko, pormang de-kuwatro. Hinubad ko yung medyas ko, at inabot sa kanya. "Eto o. Suot mo muna. Makapal naman itong medyas ko e. Wala akong alipunga ha."
"Wag na. Okey lang ako", sabi niya.
"Sige na. Malalamigan ka pa rin kung nakalabas yang paa mo."
"Nakakahiya na sa iyo pare. Andami ko ng abala" sabi niya.
"Mahiya pa ba? Baka abutin tayo ng alas-dose dito, mamatay ka pa sa sobrang lamig. Ayokong magkaroon ng katabing bangkay.." biro ko.
Ngumiti siya, sabay kuha ng mga medyas ko. Sinuot.
"Basa rin yang t-shirt mo? Wala ka bang pamalit?" tanong ko. Wala akong malisya sa pagtatanong kong iyon.
"Wala e. Nabasa na nga lahat ng dala ko e."
"Gusto mo, etong polo ko? Suot mo muna? Me t-shirt naman ako sa loob e" sabi ko. Di siya agad sumagot.
"No. Okey lang ako" sabi niya.
"Okey" balik kong sagot.
Muli akong umayos ng upo at isinandal ang ulo ko sa bintana. Plano ko ng matulog. Mabigat na ang trapik sa Camachile palabas ng Balintawak exit. Buhol-buhol na ang mga sasakyan sa paligid. Me mga sasakyan na ring tumirik sa kalsada na lalong nagpahirap sa takbo ng mga saksakyan.
"Brrrr…" narinig kong sabi niya. Nagmulat ako ng mata at nakitang hinihimas niya ang kanyang mga kamay. Tiningnan ko yung aircon sa ulunan ko para siguruhing hindi nakatapat sa kanya.
"Okey ka pa?" tanong ko.
"Okey lang pre.."
Muli akong pumikit. "Nakakahiya man, pre, sige, hihiramin ko na yung polo mo, kung puwede pa.." sabi niya. Ngumiti ako at sinimulang tanggalin ang polo ko. Hinubad na rin niya yung t-shirt niya. Malamig man sa loob ng bus, nag-init ako ng makita ang hubad niyang katawan. Punung-puno ito. Malamang-malaman. Maputi ang katawan niya at may masel ang mga braso. Natakam akong lalo sa malagong buhok niya sa kilikili at at ang magandang hugis ng kanyang dibdib. Dagli kong inabot ang polo ko sa kanya sabay tingin sa bintana. Nag-iinit ako sa nakikitang hubad niyang katawan. At baka di ako makapagpigil.
"Salamat pre. Andami ko ng utang sayo" sabi niya. Nakasandal na rin siya sa upuan, at naka-slouch.
"Okey lang yun. Basta ba isasauli mo yan mamaya e" biro ko, nakangiti.
"Saan ka ba sa Balagtas? Para lalabhan ko muna bago ko isoli".
"Wag na. Okey lang yun. Di ka naman siguro mabaho."
"Di ah. Mabango yata ako. Gusto mo amuyin?" sabi niya, nakangisi.
"Yeah right" simple kong sabi.
"So, saan ka sa Balagtas? Para ihahatid ko na lang sa inyo?"
"Wag na nga e".
"Di naman kita kikidnapin e. Para isosoli ko lang naman e. Kung ayaw mo, aarborin ko na lang to.."
Tumingin ako sa kanya, sabay pikit. "Ako, sa Panginay.." narinig kong sabi niya. "San Juan" sagot ko.
Pagdating ng Balintawak tolgate, pinatay na ang flourescent na ilaw sa bus. Dim lights na lang ang nakabukas. Mabagal pa rin ang takbo paglampas ng tolgate. Mukhang magkakalintikan na talaga sa trapik.
"Bakit wala ka pang girlfriend?" tanong niya. Nagulat ako. Akala ko e natutulog na siya.
"E ikaw? Bakit wala na?" balik kong tanong.
"Kabe-break pa lang namin. Two months na. Magulo e. Ayoko ng magulo."
"Aahh.." lang ang nasabi ko.
"E ikaw? Bakit wala pa?"
"Di ko trip e."
"Paanong di mo trip. Sa itsura mong yan, wala ka pang nasusungkit?"
"Bakla ako e" matipid kong sagot. Nakapikit pa rin ako. Ayokong makipagtinginan sa kanya. Bahala siya kung maisipan niyang lumipat dahil sa natakot. Tahimik siya.
"E boyfriend, meron?" bigla niyang tanong.
Nagbukas ako ng mata. Napatingin sa kanya. Nakangiti siya. Ngumiti rin ako. "Wala rin."
"Bakit naman? Ayaw mo lang yatang magkuwento e" sabi niya.
"Ugok! E sa wala e"
"Bakit nga?"
"E ayaw nila sa akin e. Pangit kasi ako."
"Hindi a. Sobra ka namang manlait sa sarili mo".
"Well, paano mo ie-explain na lahat na lang nga yata ng bading na kilala ko, meron. Tapos ako wala pa rin? Na kahit yung pangit kong kaibigan, meron, ako wala pa rin? Na nagpapapayat na nga ako, nagpaputi, wala pa rin?" tuloy-tuloy kong litanya.
"Wag mo akong awayin. Nagtatanong lang naman ako" sabi niya, dumedepensa. Nakangiti. Nangiti narin ako sa aking pagtataray.
"Wala siguro sa plano sa akin ng Diyos na makakita. Wala e. Old maid talaga ang role ko sa buhay".
"Di pa siguro panahon. Masyado ka namang negative kung iisipin mong yan ang plano sa iyo ng Diyos. Tama bang pati Diyos isama sa problema mo sa paghahanap?"
Tumingin ako sa kanya. Nakangisi. "Whatever".
"Di ba? Malay naman natin, me darating na karapat-dapat.." sabi niya.
"Nang-i-istir ka na e. Tama na. Ihanap mo na lang ako. Baka meron kang kakilala."
"Sige. Ihahanap kita. Malay mo, ako pala.." sabi niya.
Tumingin ako sa kanya. Nakangiwi. "Yan. Stir na talaga yan. Halikan kita diyan e."
Ngumiti siyang muli. "Sige. Kunwari, ngayong gabi, e ako ang boypren mo. Para makabawi ako sa pang-aabala ko sayo".
"Ganon?" sabi ko, sabay taas ng kilay.
"Ayaw mo pa ba ako? Sa guwapo kong ito? Sige. Kunwari ako papa mo ngayon. Okey mama?" sabi niya, nang-aasar, habang maya’t maya e sinusundot ang tagiliran ko. Nangingiliti.
"Tse! O, matutulog na ako. Quiet na" sabi ko na lang. Muli akong pumikit.
Maya-maya, narinig ko na ang kanyang paghihilik. Ang gago, naunahan pa akong matulog. Dumilat ako at tiningnan siya. Naka-slouch siya sa upuan at nakahilig ang ulo niya palapit sa akin. Di ko mapigilang humanga talaga sa gandang lalaki niya. Sinipat ko ang kanyang kabuuan. Di niya isinara ang lahat ng butones ng polo kung kaya’t nakalabas ang kanyang dibdib, pati na rin ang kanyang pusod. Wow, bulong ko sa sarili ko, eto ang papa ko! Ang saya! Di ko natiis at muli kong kinuha yung cellphone ko sa bag. Nagtext ako sa kaibigan ko. Pagkatapos, muli ko siyang ipinasok sa bag.
Malakas pa rin ang ulan sa labas. Parang pagong ang lakad ng mga sasakyan. Dahil bukod sa hirap makita ang kalsada, me manaka-nakang baha at lubak na nagpapabagal sa daloy ng mga sasakyan. Di rin napuno ang bus kung kaya’t ako lamang at si Joey ang nakaupo sa me bandang likuran. Nang minsan pang malubak ang aming bus, biglang dumulas si Joey mula sa pagkakasandal papunta sa aking balikat. Gusto ko sanang gumalaw pero naawa naman ako at baka siya magising. Hinayaan ko na lang siyang nakahilig sa balikat ko.
Naisipan kong tumingin sa bintana para di ako matukso sa oportunidad na nasa balikat ko. Pero, paulit-ulit ko pa ring nililingon ang kanyang mukha. Ang maamo at mabangis niyang mukha. Sa isang iglap, di ko napigilang ilapat ang aking mga labi sa kanyang labi. Hinalikan ko siya! Damang-dama ko ang init ng kanyang mga labi. Ang lambot. Ang tamis.
Biglang nalubak na naman ang bus. At ngayon ay matindi na, kung kaya’t maraming pasahero ang nagulat, yung mga natutulog, nagising, nabigla. Kasama na dun si Joey. Napamulagat siya sabay tayo. Tumingin sa harapan kung ano ang nangyari. Bigla akong nag-ayos. Hiyang-hiya. Nagpatingin-tingin muna si Joey sa ibang pasahero bago muling naupo. Pagkatapos ay tumingin sa akin. "Nakatulog pala ako.." sabi niya. Ngumiti lang ako. Di ako makatingin ng diretso sa kanya.
"Bakit?" tanong niya, nung hindi ako tumitingin sa kanya.
"Wala. Inaantok na ako e. Antrapik. Nakakainis. Antagal.." tuloy-tuloy kong sabi.
"Oo nga e," tugon nya sabay sandal muli sa upuan. Di pa rin ako lumilingon sa kanya. Sa hiya. Sa sarili. Sa kanya. "Okey ka lang?" tanong niya.
"Ok lang. Nabo-bore."
"E di magkuwentuhan na lang tayo. Papa mo ako di ba? Sige ka, pagdating natin ng Balagtas, break na tayo."
Tumingin ako sa kanya. "Ano naman pag-uusapan natin papa?" sabi ko, nahihiyang ngumiti.
"Bahala ka."
"Kahit ano?"
"Kahit ano."
"Me naging syota ka na bang bading?" tanong ko. Natigilan siya. Maya-maya, ngumiti.
"Wala. Ikaw pa lang ang una. He-he-he.."
"Utot! Sinungaling."
"Anong sinungaling? Totoo no. Okey, me experience na. Matsupa. Pero yung syota-syota, wala pa" sabi niya.
Nagulat ako sa nalaman ko. "Talaga? Kanino?"
"Uuuyy, interesado. Basta. Wag mo na alamin. Tayo na e. Yun ang importante."
Bumaling na lang ako ng tingin sa bintana. Alam kong lokohan lang ito pero me kakaibang tuwa sa puso akong nadarama. Syeeet!!! May pogi akong boyfriend! At wala akong pakialam kahit oras lang ang itatagal nito.
"Idlip lang ako ha" sabi niya maya-maya. Di pa ako umiimik. "Kung gusto mo ulitin yung ginagawa mo sa akin kanina, bahala ka..." sabi niya, nakangisi, sabay pikit ng mga mata.
Nabigla ako sa narining. Alam pala niya! Hiyang-hiya akong lumingon sa bintana. Mabilis ang pintig ng puso ko. Pinaghalo-halong hiya, takot, kaba, kilig, init ang aking nadama. Bigla niyang inabot ng kamay ko. Akala ko e ipapatong niya sa kanyang harapan. Iniyakap niya ito sa kanyang dibdib. Anak ng..! Hinatak pa niya ako papalapit. Di ako makapagsalita. Ngayon e amoy na amoy ko na ang kanyang hininga. Damang-dama ko ang init ng kanyang katawan. Di ako makaimik. Napipi ako. Ang bilis ng pintig ng puso ko. Lumalalim ang aking paghinga.
Patuloy ang malakas na ulan sa labas. Mukhang lumampas na kami sa trapik dahil nagsisimula ng bumilis ang bus. Muli siyang nagsalita. Pabulong. "Isipin mo na lang na ako yung lalaking pinapangarap mo. Darating yun, pero ngayon, magkasya ka na lang muna sa akin…" bulong niya habang nakangiti, nakapikit. Dahan-dahan, at kahit kabado, muli kong inilapit ang aking mukha sa kanya. Ang aking mga labi sa kanyang mga labi. Ngayon lang ito. Di na mauulit muli.
SCREEEEEEEEEEEEEEEEEEEEEEEEEEEEECH!!!! BLAG!!!!!
------------------------
Kanina pa tine-text ni Resty si Chris. Ang huling text nito e yung kilig na kilig siya sa katabi niyang guwapo na nakitext sa kanya. Muli niyang binuksan yung message:
"Syet!! Im sitting with a gorgeous man. He’s friendly, yummy and wnderful! Puede na ako mamatay lola! Bukas ang detalye"
Ang hitad, di man lang nagtext kung nakauwi na o me naiuwi, bulong niya sa sarili niya. Past 8 na ng umaga pero wala pa ring text kung saan sila magkikita ngayon. Binuksan ni Resty ang TV. Aba, me aksidente pala kagabi. Sa lakas naman kasi ng ulan, siguradong me maaaksidente. Pinapanuod niya ang report sa TV ng bigla siyang manlamig.
"Ayon sa mga opisyales na nandirito sa pinangyarihan ng aksidente, walang nakaligtas sa mga pasahero ng biglang magsirko ng bus sa expressway kagabi, mga bandang alas-onse. Ayon sa mga nakasaksi sa aksidente, nawalan ng preno ang bus, at dala na rin ng basa at madulas na kalsada, bigla itong nagpaikot-ikot hanggang sa bumangga ito sa kongkretong poste sa ilalim ng tulay ng Meycauayan.."
Nanlamig ang kamay ni Resty. Di niya napigilang maluha. Muli niyang kinuha ang cellphone at sinubukang i-ring ang cellphone ng kaibigan. Nagri-ring, pero walang sumasagot. Di siya titigil, bulong ni Resty si sarili.
"Sumagot ka Chris. Sagot." Dasal niya, habang patuloy na umaagos ang luha sa kanyang mata.

END

1 comment:

Anonymous said...

ang lungkot naman ng the End. Pero as a whole, maganda ung kwento.